Kinumpirma ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang pagkamatay ng dalawa sa mataas na lider nito na sina Benito Tiamzon at Wilma Austria-Tiamzon na umano’y dinukot at pinatay ng militar.
Taliwas ito sa naunang napaulat na nasawi ang dalawa dahil sa pagsabog ng isang barko sa karagatan ng Catbalogan, Samar.
Sa inilabas na statement ng CPP, inihayag ng grupo na kabilang ang mag-asawang Tiamzons sa 10 katao na brutal na tinorture at pinatay ng Armed Forces of the Philippines (AFP) matapos madakip ang mga ito sa probinsiya ng Samar noong Agosto 2022.
Si Benito Tiamzon, 71, ang chairman ng CPP executive committee habang si Wilma Tiamzon, 70, ang secretary general ng CPP.
Isiniwalat ng grupo na naglalakbay noon ang dalawa sa magkahiwalay na sasakyan kasama ang walong iba pang miyembro ng CPP central headquarters guerilla force na hindi mga armado nang dakipin sila ng militar.
Base pa aniya sa impormasyon na nakalap ng CPP Central Committee, nagtamo ng malalang torture ang mag-asawang Tiamzon sa kamay ng mga dumakip.