-- Advertisements --
Hermogenes Esperon
NSA Hermogenes Esperon, Jr.

CAGAYAN DE ORO CITY – Pinag-iingat ni National Security Adviser Hermogenes Esperon Jr. ang publiko laban sa anumang pang-aatake na gagawin ng mga kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa bansa.

Ito ay mayroong kaugnayan sa nalalapit na anibersaryo ng CPP sa darating na Disyembre 26 nitong taon.

Ginawa ni Esperon ang pahayag alinsunod din sa nangyaring pananambang ng NPA rebels sa police patrol cars kung saan mayroong pulis at sibilyan ang nasawi at 17 pa ang sugatan sa Brgy. Libuton, Borongan City, Eastern Samar kahapon.

Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ng opisyal na ang ginawa ng mga rebelde ay patunay lamang daw na walang kredibilidad ang CPP na harap-harapan pang nagmamakaawa na ibalik ang usaping pang-kapayapaan sa pagitan ng gobyerno.

Inihayag ni Esperon na hindi umano mapagkakatiwalaan ang CPP-NPA kaya pinaalerto ang militar at pulisya laban sa anumang panggugulo na kanilang gagawin sa bansa.

Una rito, mariing kinondena ng pamahalaang lokal ng Eastern Samar ang panibagong paghahasik ng karahasan ng CPP-NPA sa lugar.