CAUAYAN CITY – Inako ng Reynaldo Pinion Command ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) ang pagdukot at pagpatay sa isang magsasaka na kapatid ng barangay kapitan ng Cataguing, San Mariano, Isabela.
Kahapon ay natagpuang patay si Efren Deolazo, ilang oras matapos siyang dukutin ng mga armadong lalaki sa Buyasan, San Mariano, Isabela.
Hustisya ang sigaw ng misis ng biktima na si Rose Lily Deolazo.
Hindi aniya makatarungan na kunin sa harap ng mga tao ang kanyang asawa.
Itinali ang mga kamay, dinala sa ibang lugar at pagkatapos ng ilang oras ay natagpuang patay na may mga tama ng bala sa katawan.
Samantala, sa ipinalabas na statement ng CPP-NPA, hinatulan umano ng kamatayan si Deolazo dahil panggagahasa sa isang 15-anyos na dalagita at pagpatay sa tiyuhin ng biktima.
Bukod dito ay aktibo umanong asset ng militar si Deolazo at tagamasid ng mga aktibidad ng NPA.
Kinumpirma naman ni Police Major Fedimer Quitevis, hepe ng San Mariano Police Station na sinampahan si Deolazo ng mga kasong rape at pagpatay.
Sinabi naman ni Barangay Kapitan Harlie Deolazo ng Cataguing, San Mariano, Isabela na labis siyang nalulungkot sa pagpatay sa kanyang kapatid.
Kinumpirma niya na sinampahan ng mga kaso ang kapatid ngunit naareglo ang mga ito.
Dapat aniyang binigyan siya ng pagkakataong magbagong buhay.