-- Advertisements --

BAGUIO CITY – Idineklara na ng halos lahat ng 27 na bayan sa Abra na ‘persona non grata’ ang lahat ng kasapi ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Isinama din ng mga lokal na pamahalaan sa kanilang deklarasyon ang mga makakaliwang grupo sa ilalim ng komunistang grupo.

Idineklarang ‘persona non grata’ ang mga nasabing grupo dahil sa mga karahasan at panloloko na ginagawa na nagdudulot ng pag-aalala at takot sa mga mamamayan lalo na sa mga nakatira sa mga liblib na lugar.

Napag-alaman na dalawa na lamang na bayan sa Abra ang nasa proseso ng pagdeklara sa mga komunista at makakaliwang grupo bilang mga ‘personan non grata’.

Sinabi ng mga lokal na pamahalaan doon na ang mga komunista at makakaliwang grupo ay banta sa kanila na humahadlang sa patuloy na katahimikan at pag-unlad sa kanilang lalawigan.

Ayon kay Lt. Col. Jearie Boy Faminial, commanding officer ng 24th Infantry Battalion, Philippine Army, ang pagbabawal sa pagpasok at hindi pagpayag sa presensya ng mga kasapi ng CPP-NPA-NDF sa buong Abra ay produkto at pangunahing layunin ng mga optimistic ideas ng lokal na pamahalaan ng lalawigan.

Umaasa din ang militar na maipagpapatuloy ang mga programa at proyekto para makamit ang isang tahimik na Abra na handa para sa patuloy na pag-unlad.