Ibinulgar ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na ginagamit lamang ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF) ang usaping pangkapayapaan para mapalakas muli ang kanilang puwersa.
Ito’y lalo na ngayon na bumababa na ang kanilang puwersa kaya nais ng komunistang grupo na makabawi.
Ayon kay AFP spokesperson Col. Edgard Arevalo, sa panahong ongoing ang usaping pangkapayapaan, pinapalakas ng NPA ang kanilang recruitment o mass buildup, naglulunsad ng atrosidad, at mga extortion activities.
Sa karanasan ng AFP, sinasamantala ng NPA ang ceasefire para makapag-recruit ng puwersa.
Kaya naniniwala ang AFP na kailangan na maging mapanuri ang pamahalaan lalo na ang AFP sakaling magpatupad ng ceasefire agreement sa CPP-NPA-NDF.
Inakusahan ng NPA ang militar na peace spoiler dahil sa pagkansela ni Pangulong Rodrigo Duterte sa peace talks, bagay na una nang itinanggi ng AFP.
Nilinaw ni Arevalo na suportado nila ang peace talks pero sa ngayon ay kailangan mag-review lalo na sa pinirmahang stand down agreement.
Batay sa datos ng AFP, bumaba na ang insidente ng panggugulo ng NPA.
Ang insidente aniya ng panununog noong taong 2017 ay umabot sa 77, pero sa unang quarter ng taong 2018 ay umabot na lamang ito sa 18.
Bumaba naman aniya sa isa sa unang quarter ng taong 2018 ang insidente ng kidnapping, mula sa 25 insidente noong taong 2017.
Nasa kabuuang 6,659 naman na mga regular na miyembro, militia ng bayan at supporter, ang neutralize ng militar.
Nasa 79 dito ay naaresto habang 68 ang nasawi, aabot naman sa 736 na mga low at high powered firearms ang nakumpiska mula sa NPA.
Dahil dito, ipinagmalaki ng AFP ang kanilang matagumpay na operasyon laban sa NPA kung saan mahigit 6,000 ang sumuko sa militar.