Kinuwestiyon ngayon ng Armed Forces of the Philippines (AFP) ang pagkakakilanlan ng tagapagsalita ng Communist Party of the Philippines na si Mar Vabuena.
Kasunod ito ng inilabas na balita ni Valbuena na kumukumpirma sa pagkasawi ng mag-asawang CPP-NPA leaders na sina Benito at Wilma Tiamzon kasabay ng mga alegasyon na tinorture ang mga ito matapos mahuli ng mga militar.
Sa isang statement ay tinawag ni AFP spokesperson Col Medel Aguilar na “fictitious person” ang Valbuena na isa lamang aniyang digital person na nagpakalat ng naturang press release.
Aniya, matagal nang pinagsususpetsahan AFP na patay na ang mga ito matapos ang naging engkwentro ng mga ito sa mga tropa ng military noong August 22, 2022 sa katubigang sakop ng Catbalogan City, Samar.
Ang mga alegasyon aniya na hinuli at tinorture ang mga ito ay bahagi lamang ng propaganda ng komunistang grupo sa kanilang pagtatangkang linlangin ang taumbayan.
Samantala, kung sakali naman aniya na totoo ang deklarasyon ng liderato ng CPP-NPA-NDF sa pagkamatay ng mag-asawang Tiamzon ay nangangahulugan lamang ito ng tagumpay sa operasyon sa panig ng pamahalaan laban sa mga puganteng ng batas.
Sinabi rin ni Aguilar na ang deklarasyon na ito ni Valbuena ay nagpapakita lamang ng kahinaan ng CPP dahil sa kawalan nito ng leader dahil sa pagpanaw ng kanilang founding chairman na si Jose Maria Sison.