-- Advertisements --

Tinawag ng Communist Party of the Philippines (CPP) ang social media giant na Meta na “hypocrite”.

Ito kasunod nang pag-aalis ng nasabing kumpanya sa mga Facebook accounts na may kaugnayan sa New People’s Army (NPA) dahil sa naging paglabag daw nito sa kanilang ipinatutupad na community standard.

Ayon sa CPP, na tila nagiging mapagkunwari ang Meta sa naging aksyon nito laban sa mga account na pag-aari ng rebeldeng grupo na NPA, ngunit pinapayagan naman daw nito ang red-tagging na ginagawa ng NTF-Elcac, AFP units at mga trolls nito na nag-uudyok ng galit ng mga tao laban sa democratic forces.

Gayundin anila ang pagpapahintulot nito sa pro-violence posts tulad ng mga panawagan para sa karahasan at kamatayan na nagkalat sa buong Facebook na may kaugnayan sa kaguluhan sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Dagdag pa ng grupo, ang ginawang ito ng kumpanya ng Facebook ay gumamit ng arbitrary power para i-censor ang freedom of expression, lalo na mga kontra sa fascism at mga lumalaban sa U.S. imperialism.

Lumalabas anila na isinasara ng Facebook ang lahat ng pinto para sa revolutionary forces sa Pilipinas na ipahayag ang kanilang opinyon nang dahil dito.

Ang NPA ay isang sandatahang lakas na mahigit limang dekada nang tumutuligsa sa gobyerno na nananawagan ng mga pagbabago sa lipunan na nagsimula naman noong panahon ng martial law.