-- Advertisements --

Inanunsyo ng Communist Party of the Philippines (CPP) na wala silang idedeklarang tigil-putukan sa gobyerno ngayong holiday season.

Sa isang pahayag, sinabi ng komunistang grupo na napilitan daw ang CPP Central Committee na hindi magpatupad ng nakagawiang holiday ceasefire dahil sa walang tigil umanong pag-atake ng mga puwersa ng pamahalaan.

“In the past, the AFP has always treacherously taken advantage of NPA (New People’s Army) ceasefire declarations to mount offensives against units doing health campaigns and other public service,” saad ng CPP.

“The fascists have always displayed heavy-handed disregard of people’s holidays and disrespect for their customs and traditions,” dagdag nito.

Inatasan naman ng CPP ang mga unit ng New People’s Army na ipagtanggol umano ang masa at kanilang mga sarili laban sa pagsalakay daw ng militar.

Maliban dito, nanawagan din ang CPP sa lahat ng mga party committees, NPA units, at mass organizations na magsagawa ng lihim na mga pagpupulong upang markahan ang nalalapit na ika-52 anibersaryo ng komunistang grupo.

Una nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na walang mangyayaring ceasefire sa mga rebelde sa nalalabing bahagi ng kanyang termino.

Iginiit na rin ng AFP na kailanman ay hindi raw sinsero ang mga komunistang rebelde tuwing holiday truce dahil tuloy lamang daw ang paghahasik ng kaguluhan ng mga ito, kasama na ang ginagawang pangingikil sa publiko.