Magsasanib puwersa na ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan para habulin ang mga foreign workers na nagtratrabaho sa Philippine Online Gaming Operation (POGO).
Sinabi ni Finance Assistant Sec. Tony Lambino, mismong si Secretary Sonny Dominguez ang nag-utos na bumuo ng working group matapos mapag-alamang libu-libong dayuhan sa online gaming ang hindi nagbabayad ng income tax.
Ayon kay Asec. Lambino, kabilang sa binuong grupo ay ang Department of Justice, Bureau of Immigration, Department of Labor and Employment, at Philippine Amusement and Gaming Corporation.
Layon din aniya ng binuong working group na malaman ang totoong bilang ng mga foreign workers na nagtratrabaho sa POGO.
Pag-aaralan din daw nila kung papaano kokolektahin ng maayos ang income tax mula sa mga dayuhan.
Iginiit ni Asec. Lambino na “unfair” sa mga manggagawang Pilipinong nagbabayad ng tamang buwis habang ang mga dayuhang maayos na kumikita sa bansa ay walang income tax.