-- Advertisements --

(Update) Natagpuan na ng otoridad sa Indonesia ang lokasyon kung saan pinaniniwalaang bumagsak ang isang Boeing 737 passenger plane ilang saglit matapos mag-take off sa Jakarta nitong Sabado.

Una rito, nawala sa radar ang Sriwijaya Air jet na may sakay na 62 katao habang bumibiyahe patungong Pontianak sa West Kalimantan province.

Mahigit sa 10 barko na rin ang ipinakalat sa lugar, kasama ang mga divers mula sa Indonesian navy.

Inaalisa na ngayon ng mga imbestigador ang nakitang mga item na pinaniniwalang wreckage ng eroplano.

Ayon sa transport ministry, umalis sa Jakarta airport ang Sriwijaya Air passenger plane dakong alas-2:36 ng hapon kahapon (local time).

Makalipas ang apat na minuto, naitala ang huling contact sa eroplano, na may call sign na SJY182.

Kadalasang inaabot ng 90 minuto ang flight time mula Jakarta patungong Pontianak sa kanlurang bahagi ng isla ng Borneo.

Sinabi naman ni Air Marshal Bagus Puruhito, pinuno ng national search and rescue agency, hindi raw nagpadala ng distress signal ang aircraft. (BBC)