-- Advertisements --

Nag-face-off na kanina sa final press conference sina WBO champion Terence Crawford (37-0, 28 KOs) at two-time IBF at WBC welterweight champion Shawn Porter (31-3-1, 17 KOs) sa Las Vegas bago ang big fight sa Linggo.

Kaabang abang ang bakbakan ng dalawa dahil sa wakas, may makakaharap din ang welterweight king na si Crawford na isang bigatin na dating kampeon sa katauhan ni Porter.

terence vs shawn porter
Crawford vs Porter (TR photo)

Bago pa man ang championship showdown na magaganap sa Mandalay Bay Resorts, nasa 6-1 favorite na sa mga pustahan sa Las Vegas si Crawford dahil sa pagiging knockout artist nito, liban pa sa taglay na speed at power.

Ayon sa three-division champion, kakaibang “Terence Crawford” ang masasaksihan ng mga fans.

Sagot naman ni Porter, 34, ipapakita niya ang showtime performance na ikakagulat ng undefeated na si Crawford.

Kung maalala, beterano na rin sa pagharap sa mga elite fighters si Porter na dati ring naging sparring partner ni Manny Pacquiao. Siya rin ang tumalo sa Cuban champion na si Yordenis Ugas.

Sinabi pa ni Porter, ang mangyayaring harapan ay banggaan din ng dalawang higanteng promotional company sa mundo ng boxing sa pagitan nina Bob Arum ng Top Rank Promotions at Premier Boxing Champions ni Al Haymon.