-- Advertisements --

NEW YORK – Dinomina ni Terrence Crawford si Amir Khan sa lahat ng aspeto ng boxing hanggang sa ika-limang rounds, matapos na pabagsakin niya ang huli sa lona at pina-ulanan ng jabs, combinations at superior skill sa naturang larangan.

Tinalo ng unbeaten WBO welterweight champion si Khan sa pamamagitan ng technical knockout, pero hindi sa isang malinis at convincing na pamamaraan.

Humina kasi ng husto si Khan matapos na magkaroon ng accidental low blow sa kanya si Crawford sa ika-anim na round ng kanilang bakbakan.

Pansamantalang natigil muna ang bakbakan nang mamilipit sa sakit ang dating British champion kung saan sa bandang ari sya tinamaan ni Crawford.

Sinubukan pa ni Khan na tiisin ang sakit, subalit kinalaunan ay sinabihan nito ang kanyang trainer na si Virgil Hunter na hindi na niya kaya pang magpatuloy.

Dahil dito, itinigil na lamang ni referee David Fields ang kanilang scheduled 12-round, 147-pound title fight.

Nadipensahan muli ng 31-anyos na si Crawford ang kanyang WBO welterweight title na kanyang napanalunan noong Hunyo 9 sa laban kontra Jeff Horn.

Humingi naman nang paumanhin si Khan sa mga fans lalo na ang mga nanood sa Madison Square Garden sa New York.