Inamin ni pound-for-pound king Terence Crawford na nais niya raw makatunggali sa isang unification match si IBF welterweight champion Errol Spence Jr.
Ayon kay Crawford, gusto niya raw patunayan sa buong mundo na siya ang pinakamagaling na boksingero sa welterweight division.
Pagmamayabang din ni Crawford, na siya ring may hawak ng WBO welterweight belt, kumpiyansa raw itong makipagtuos sa iba pang mga premyadong boksingero.
Sa ngayon tutok muna si Crawford sa kanyang laban kontra kay dating world champion Amir Khan sa susunod na buwan na gaganapin sa New York City.
Samantala, sa panayam ng Bombo Radyo, sinabi ng boxing expert na si Atty. Ed Tolentino, maganda raw hamunin ni Spence si Crawford para sa isang unification bout.
Reaksyon ito ni Tolentino sa ginawang paghamon ni Spence kay Pinoy legend Sen. Manny Pacquiao matapos ang naging matagumpay na title defense nito sa kapwa Amerikanong si Danny Garcia noong Marso 17.
Paliwanag ng analyst, paraan daw ito upang madetermina kung sino ang karapat-dapat na maghamon kay Pacquiao.
“Mas gusto ni Spence si Pacquiao kasi, in a way nakatatanggap din siya ng batikos kasi isang overweight na Mikey Garcia, hindi niya napatumba. Siya ang mas may kailangan kay Pacquiao. Si Pacquiao hindi siya kailangan,†wika ni Tolentino.