Nilagdaan na ni Pangulong Rodrigo Duterte bilang ganap na batas ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises o CREATE bill na naglalayong babaan ang corporate income tax rate para makaengganyo ng mas maraming foreign investments at matulungang makabawi ang ekonomiya ng bansa mula sa COVID-19 pandemic.
Pero ilang probisyon nito ang na-veto o inalis ni Pangulong Duterte partikular ang real property VAT exemptions.
Sa naturang batas, ibababa sa 25 percent mula sa kasalukuyang 30 percent ang corporate income tax ng mga malalaking kompanya habang gawing 20 percent naman para sa mga maliliit na negosyo hanggang 2029.
Inihayag ni Pangulong Duterte na ang CREATE Act ay magsisilbing guiding document para sa mga negosyo at industriya sa bansa hanggang susunod na mga dekada.
Kabilang naman sa mga na-veto ang panukalang taasan ang value added tax-exempt threshold sa real property sales.
Iginiit ni Pangulong Duterte na sa ilalim ng Tax Code, ang sale o pagbebenta ng house and lot at iba pang kahalintulad na ari-arian na may presyong hindi tataas sa P2.5 million ay VAT-exempt na.
Kaya ang panukalang taasan hanggang P4.2 million ang threshold ay pakikinabangan lamang ng mga mayayaman o may kayang makabili ng magandang bahay at aabot sa P155.3 billion ang mawawalang buwis mula 2020 hanggang 2023.
Inalis din ni Pangulong Duterte ang probisyong nagtatakda ng 90-day period sa pagproseso ng general tax refunds dahil ito umano ay “administratively impracticable.”
Kasama pa sa mga na-veto ang item na naglalayong excluded o hindi kasama ang land and operating expenses bilang bahagi ng investment, gayundin ang redundant incentives para sa domestic enterprises at ang sana’y maglilimita sa kapangyarihan ng Fiscal Incentives Review Board sa mga proyekto o aktibidad na may investment capital na P1 billion.
Ni-reject din ni Pangulong Duterte ang automatic approval sa mga aplikasyon ng mga kompanya para sa insentibo dahil kontra ito sa polisiyang pagtanggap o pagtanggi batay sa merito.