Mayroon umanong “credible evidence” na magdadawit sa Crown Prince ng Saudi Arabia na si Mohammed bin Salman at sa iba pang mga matataas na opisyal sa nangyaring pagpatay sa mamamahayag na si Jamal Khashoggi noong nakaraang taon.
Sa 101-pahinang ulat ni United Nations (UN) special rapporteur Agnes Callamard, inirekomenda nito na magkaroon pa ng imbestigasyon ukol sa posibleng naging papel ni Mohammed bin Salman sa pagpaslang sa kolumnista ng Washington Post.
Nanawagan din ito sa UN na ihirit ang follow-up criminal investigation ukol sa kaso.
Binigyang-diin din nito ang “extreme sensitivity” sa pagkonsidera sa criminal responsibility ng crown prince, maging kay Saud Alqahtani. na senior adviser sa Saudi royal court na hindi pa nakakasuhan.
“No conclusion is made as to guilt,” saad ni Callamard.
“The only conclusion made is that there is credible evidence meriting further investigation,” dagdag nito.
Matatandaang pinaslang si Khashoggi sa loob ng konsulada ng Saudi sa Istanbul ng mga Saudi agents.
Giit naman ng mga otoridad sa Saudi, hindi raw sila inutusan ni Prince Mohammed upang gawin ang krimen.
Una na ring nilitis ng Gulf kingdom ang 11 indibidwal sa pagpatay kay Khashoggi, at hinihiling ang parusang kamatayan sa lima sa kanila.
Ngunit ayon kay Callamard, hindi raw nasunod ng naturang paglilitis ang international procedural at substantive standards, at inihirit ang pagsuspinde rito. (BBC)