Pinangunahan ni Philippine Coast Guard (PCG) Commandant Admiral Ronnie Gil Gavan ang seremonya ng paggawad ng pagkilala sa crew ng BRP Cabra (MRRV-4409).
Ito ay para sa kanilang katapangan at selfless dedication sa Cunanan Wharf noong Enero 30, 2025.
Alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ipinakita ng crew ng BRP Cabra ang kanilang pagsisikap at marangal na tagumpay sa retrieval operations at pagtulong sa FB El Kapitan sa pag-transport ng yumao nitong crew member.
Sa seremonya, pinarangalan si Lieutenant Hannah Yañez PCG, Commanding Officer ng MRRV-4409, ng Distinguished Service Medal and Ribbon.
Ipinakita ni Lieutenant Yañez ang walang pag-aalinlangan na tapang bilang isang babaeng Commanding Officer, na bumasag ng mga hadlang at nagpakita ng lakas, katatagan, at determinasyon.
Gayundin, si Executive Officer, Lieutenant Ariel Guiang PCG at 53 iba pa ay tumanggap ng Award of Coast Guard Search and Rescue Medal and Ribbon bilang pagkilala sa kanilang kahanga-hangang pagsisikap at sa hindi makasariling pagtupad ng mandato ng PCG sa kabila ng mga alon na may taas na tatlo hanggang apat na metro, banta mula sa mga dayuhan, at panganib sa dagat.
Bukod pa rito, kinilala ng PCG ang kabayanihan ng dalawang ship riders na sina Nurse Officer, Ensign John Christian Lopez PCG mula sa Philippine Coast Guard Nursing Service (CGNS) at Seaman Second Class Abdul Rahman Maruji PCG mula sa Coast Guard Special Operations Force (CGSOF) para sa kanilang mga gawa ng kabayanihan at tapang sa pagharap sa mga alon at panganib na nagresulta sa matagumpay na pagkuha ng yumao na crew member.
Sinabi ni Admiral Gavan na ang Pangulo at ang Command ay labis na humahanga sa kanilang disiplina at selfless service sa harap ng mapanghamong kalaban sa lugar.