Iniulat ng Police Regional Office-7 na pumalo na sa P1 billion pesos ang halaga ng drogang nakumpiska sa mga operasyon sa Central Visayas nitong taon pa lamang.
Inihayag ni Police Regional Office-7 spokesperson PLt Col Gerard Ace Pelare na nagresulta pa ito ng pagbaba sa mga ginawang krimen kung saan nagkaroon ng makabuluhang pagbaba ng 10% ang crime rate sa rehiyon mula Enero ngayong taon hanggang sa kasalukuyan.
Sinabi ni Pelare na “very good at very inspiring” ang crime data, gayunpaman, hindi umano ito nangangahulugang ikinatuwa nila dahil may mga nagaganap pa ring krimen.
Binigyang-diin naman nito na ang kanilang laban ay hindi lamang para mabawasan ang krimen kundi nais din nilang maging agresibo sa paglaban sa iligal na droga, iligal na pagsugal at mga loose firearms.
Nagbunga pa aniya ang tulong ng komunidad sa kanilang matagumpay na operasyon sa pamamagitan ng pagbigay ng mga ulat sa mga ito na aniya nagpapakita lamang na mayroon pa ring tiwala ang mga mamamayan sa kapulisan.