-- Advertisements --
NCRPO chief debold sinas

Tuloy pa rin ang mga kasong kriminal at administratibo laban kay NCRPO director M/Gen. Debold Sinas at sa iba pang opisyal dahil sa paglabag sa Enhanced Community Quarantine (ECQ) protocol.

Ito ang inihayag ni PNP spokesperson B/Gen. Bernard Banac matapos idepensa ng Pangulong Rodrigo Duterte si Sinas.

Paliwanag ni Banac, hiwalay na isyu ang pananatili sa pwesto ni Sinas sa mga kasong isinampa laban sa kanya.

Nagpapatuloy din aniya ang imbestigasyon ng PNP-Internal Affairs Service kay Sinas at sa iba pang mga opisyal na natukoy na dumalo sa mananita.

Nahaharap ngayon sa kasong kriminal si Sinas at 18 pang opisyal sa Taguig Prosecutors office.

Una nang inihayag ni PNP chief Gen. Archie Francisco Gamboa na mananatili sa pwesto si Sinas dahil sa kailangan niyang tapusin ang kanyang mga programa laban sa COVID-19.

Epektibo din aniya si Sinas sa pagpapatupad ng anti-drug at anti-gambling campaign ng PNP lalo na sa kalakhang Maynila.