Nahaharap sa kasong kriminal at administratibo sa Ombudsman sina Marikina City Mayor Marcy Teodoro at may-bahay na si Rep. Marjorie Ann Teodoro.
Sa complaint affidavit ni Rico Mariano, may-ari ng Masie Enterprise, paglabag sa Republic Act 3019 o anti graft and corrupt practices act; malversation of public funds; grave misconduct and conduct prejudicial to the best interest of public service ang sinampa laban sa mag-asawang Teodoro at ilang opisyal ng lungsod.
Ayon sa negosyante, umabot sa P26.75 milyon ang transaksyon na ginawa ng Masie para sa lungsod.
Kabilang dito ang umano’y pagtanggap ng Alkalde ng P9.58-M na tseke para sa procurement scheme, patunay ang bank records na direktang inilabas sa pamamagitan ng manager’s checks para kay Rep. Teodoro, kahit walang opisyal na posisyon noon sa Marikina LGU.
Ang pagbibigay ng pabor sa ilang supplier, pagkakaroon ng personal na interes sa mga transaksyon ng gobyerno, at paglustay ng pampublikong pondo para sa pansariling kapakinabangan.
Ayon kay Mariano, ginamit ang kanyang kompanya bilang pronta sa mga nilutong kontrata ng lungsod.
Aniya si Bgy. Kgwd. Marie Joy San Juan ang nagmamaniobra sa procurement upang mapaboran ang piling supplier, gaya ng Masie at pangako kay Mariano ang eksklusibong kontrata kapalit ng pagsunod sa scheme —pagtanggap ng tseke, pagdedeposito, at pagsasauli ng pera kay San Juan, na sinasabing bagman ng mag-asawang Teodoro.
Aniya peke ang ilang procurement transactions, may mga supply na hindi na-i-deliver, at inaprubahan ang mga bayad gamit ang disbursement vouchers mula kina City Accountant Erlinda Gonzales, Acting City Treasurer Miguel Rebanal at Acting City Treasurer Florenia Gamad.