Asahan na umano sa mga susunod na araw ang paghahain ng Securities and Exchange Commission (SEC) ng criminal charges laban sa mga opisyal ng Kabus Padatuon (KAPA) investment group.
Ayon kay SEC Chairman Emilio Aquino sa pagtatanong ng Bombo Radyo, tiyak nang tatamaan sa criminal case ang founder ng grupo na si Joel Apolinario at ang mga kasamahan nito sa pamamahala ng organisasyon.
Maging ang mga tumutulong umano rito ay sisiyasatin at pahaharapin sa korte.
Kaya maging ang mga tagadepensa ng grupo sa internet, radyo at iba pang platform ay mabibigyan din ng pagkakataon para ipagtanggol ang sarili kapag pinaharap na sa hukuman.
“We already revoked the Certificate of Registration of Kapa Ministry and we intend to pursue criminal charges against all the officers, as well as those who are helping and defending them,†wika ni SEC Chairman Emilio Aquino.
Samantala, muli namang nanindigan si Aquino na kahit anong iprisentang dokumento ng KAPA para makapag-operate ay wala nang legal basis dahil hindi lang cease and desist ang inilabas nila kundi total revocation ng registration nito.
Giit ng SEC, anumang negosyong konektado sa KAPA ay hindi malayong madamay sa pagpapasara ng mga tanggapan ng organisasyon.
“There’s no such thing as a Kapa International now existing, as far as the SEC is concerned,†dagdag pa ni Aquino.