Hinihintay ngayon ng Department of Justice (DoJ) kung maghahain ng motion for reconsideration si dating Health Sec. Janet Garin kaugnay sa kasong kriminal na isinampa nito laban kay dating Depatment of Health (DoH) Sec. Paulyn Ubial.
Ito ay matapos ibasura ng DoJ ang reklamong isinampa ni Garin kay Ubial na may kaugnayan sa pagkamatay ng mga batang naturukan ng Dengvaxia vaccine.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, sa ngayon ay wala pang inihahaing mosyon si Garin.
Una rito, sa pitong pahinang resolusyon, bnigyang diin ng DoJ na wala umanong probable cause ang reklamong inihain ni Garin laban kay Ubial
Bigo rin anila si Garin na makapagbigay ng pangalan ng namatay ng kahit isang biktima mula noong inaprubahan ni Ubial ang community-based immunization program.
Nag-ugat ang reklamo nang ipatupad ni Ubial ang shifting ng dengue immunization program sa community-based na dapat ay school-based lamang kaya nagresulta ito sa pagkamatay ng maraming bata.
Ikinatwiran ni Ubial na hindi naman taliwas sa rekomendasyon ng World Health Organization (WHO) ang pagpapatupad ng pagbabakuna sa mga komunidad kahit na ito ay dapat school-based lamang.