-- Advertisements --

GENERAL SANTOS CITY – Kaagad na ikakasa ng buong pulisya ng Region 12 ang kanilang mga pinaplanong aktibidad upang maiwasan ang katulad ng nangyaring pagpatay kay Governor Roel Degamo ng Negros Oriental.

Ayon kay PCol. Jomar Alexis Yap, City Director ng Gensan City Police Office (GSCPO), kabilang dito ang threat assessment ng pulis sa lahat ng local chief executives kasama ang mga tatakbong Sangguniang Kabataan(SK) chairman, pag-identify sa mga hotspot area, pagpapaigting sa ginagawang checkpoints at iba pa.

Batay sa magiging resulta ng threat assessment ay gagawa sila ng security plan na pwedeng irekomenda para na mabigyan ng protective agents ang mga local chief executives.

Kahapon nang nagkaroon ng meeting ang GSCPO kasama ang Task Force Gensan, Gensan City Public Safety Office, Coast Guard at iba pa kung saan pinag-usapan ang sitwasyon sa lungsod pati ang preparasyon sa darating na eleksyon at Semana Santa.

Dagdag ni Col. Yap, aalamin din ang mga criminal groups dahil karamihan sa naiulat na mga conflict areas ay kinasasangkotan ng mga armadong kalalakihan na maaaring banta sa seguridad ng lungsod.