-- Advertisements --

Maituturing na isang national security concerns ang mga criminal syndicate na nagpapanggap bilang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs ayon kay Department of National Defense chief Gilberto Teodoro.

Kaya dapat aniya na mapigilan ang nasabing mga kriminal na aktibidad ng mga sindikato na nago-operate sa ating bansa na nagpapahina sa ating financial standing, ratings ng ating bansa at sinisira ang ating lipunan.

Ginawa ng kalihim ang naturang pahayag isang araw matapos sabihin ng Philippine Navy na hindi nito ikinokonsidera ang mga POGO bilang isang banta sa national security sa kabila pa ng ilang serye ng raid na ikinasa sa Central Luzon laban sa POGO hubs na sangkot sa umano’y mga ilegal na aktibidad.

Ipinunto pa ni Sec. Teodoro na hindi niya tinukoy ang mga ni-raid na establishimento bilang POGO na aniya’y tradisyunal na business process outsourcing (BPO) enterprises.

Samantala, sinabi ng DND na inaanalisa na ng mga awtoridad ang mga ebidensiya mula sa impormasyong nakalap sa mga aktibidad ng POGO at isinagawang raid sa Tarlac at Pampanga.

Kung maaalala kasi sa isinagawang paghalugad sa POGO hub sa Porac, Pampanga kamakailan nadiskubre ng mga awtoridad ang hinihinalang mga uniporme ng sundalo ng China.

Subalit agad namang pinawi ng Armed Forces of the Philippines ang pangamba ng publiko at sinabing posibleng ginagamit lamang ang nasabing uniporme bilang props ng mga POGO worker sa kanilang ilegal na online transactions at hindi bilang paghahanda sa invasion o pagsalakay.