-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Tumagal ng ilang araw bago nakita ang bangkay ng isang criminology student na nalunod sa ilog sa EB Magalona, Negros Occidental.

Ang biktimang si Jericho Carilla na estudyante ng STI-West Negros University ay naligo nitong Linggo sa Malugo River na sakop ng Hacienda Celina, Brgy. Cudangdang, EB Magalona.

Sa panayam ng Bombo Radyo Bacolod kay 2nd Petty Officer John Micheal Cebran, commander ng Coast Guard Sub-station Victorias, nag-outing sina Carilla kasama ang kanyang mga kaibigan at mga pinsan at nagyayaan ang mga ito na maligo sa ilog.

Tatawid sana ang college student sa kabilang pangpang ngunit tinangay ito ng malakas na agos ng tubig.

Sinubukan ng kanyang mga kasamahan na iligtas ang biktima ngunit tuluyan itong lumubog.

Makalipas ang ilang araw, lumutang ang bangkay ng estudyante, tinatayang 20 metro ang layo mula sa kanyang huling kinaroroonan.

Natuklasan naman ng mga otoridad na may hukay sa ilalim ng tubig dahil quarry site ang lugar at dito pinaniniwalaang lumubog ang katawan ng estudyante kaya’t natagalan bago lumutang.