LEGAZPI CITY – Patay ang 23-anyos na criminology student sa lalawigan ng Sorsogon matapos magtamo ng mga pasa sa binti dahil sa hazing bilang bahagi ng initiation rites ng sinalihang fraternity.
Nakilala ang biktima na si Omer Despabiladeras na nagtamo ng blood clotting sa parehong binti at likod.
Ayon kay Major Joel Triñanes hepe ng Bulan Municipal Police sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, dinala sa ospital ang biktima ng dalawang pinaniniwalaang miyembro ng Tau Gamma Phi Fraternity matapos mag-collapse subalit agad din itong binawian ng buhay.
Kaugnay nito, pinaghahanap din ang 15 iba pang neophytes na kasama ng biktima na sumailalim sa initiation rites upang makuhaan ng pahayag ang mga ito.
Maliban sa mga ito, tinutunton na rin ang mga miyembro ng naturang fraternity na nasa lugar ng mangyari ang hazing dahil maaari umanong sampahan ng kaso ang mga ito kahit pa hindi sila sangkot sa mismong pananakit sa biktima.
Dagdag pa ni Triñanes na maliban kay Omer ay nagpapagaling din ngayon sa ospital ang isa pang biktima ng hazing na si Alfredo Gonia.