-- Advertisements --

Ipinag-utos na ng pamahalaan ng Pilipinas ang mandatory evacuation para sa lahat ng mga natitirang mga Pilipino sa Ukraine sa gitna ng lumalalang sitwasyon doon dahil sa pananalakay ng Russia.

Sa isang statement, sinabi ng Department of Foreign Affairs (DFA) na itinaas na nito sa Crisis Alert Level 4 o Mandatory Repatriation para sa lahat ng lugar sa Ukraine dahil sa lumalalang sitwasyon ng seguridad dito.

Sa ilalim ng Crisis Alert Level 4, ay ipapatupad ang mandatoryong paglilikas sa mga Pilipinong sa mga lugar na may kaguluhan katulad na lamang ng sa Ukraine.

Ayon sa DFA, tutulungang lumikas ng Philippine Embassy sa Poland at ng Rapid Response Team na kasalukuyang tumutulong sa mga Filipino national para sa repatriation at relocation, ang natitira pang mga Pinoy sa Ukraine.

Nasa mahigit 300 na mga Pilipino ang naninirahan at nagtatrabaho sa Ukraine. Ilan sa mga ito ay nakauwi na sa bansa, habang ang iba naman ay lumikas na rin patungo sa mga bansang nasa border nito.

Ayon sa datos ng ahensya, tinatayang nasa mahigit 100 pa ang bilang ng mga kababayan natin na kasalukuyan pa ring nananatili sa Ukraine sa kabila ng nangyayaring sigalot dito.
Top