-- Advertisements --

Binuksan ng Pamahalaang Lungsod ang Las Piñas City Crisis Center for Women and their Children, ang kauna-unahang Women’s Crisis Center sa buong Metro Manila, na matatagpuan sa Aira Street, Santa Cecilia Village, Barangay Talon Dos.

Pormal na pinasinayaan ang nasabing center nina Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar kasama ang mga department heads.

Bahagi ito sa pagtugon ng lokal na pamahalaan na tulungan at ipagkaloob ang mga pangangailangan ng kababaihan at kanilang mga anak na dumanas ng karahasan at mga pang-aabuso ng kalalakihan sa komunidad at mula sa sariling pamilya.

Sinabi ni Mayor Aguilar sa pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Pamahalaang Lungsod sa proyektong ito, ang nasabing crisis center ay magbibigay ng pansamantalang matutuluyan, counseling, psychosocial services, recovery, rehabilitation program at livelihood assistance sa mga biktima. 

Idinagdag pa ng alkalde na ang mga komprehensibong programa at serbisyong ito ay siguradong magbibigay sa kanila ng panibagong pag-asa at muling makapamuhay ng maayos.

Ayon pa kay Mayor Aguilar ang konstruksiyon ng nasabing pasilidad ay isa sa mga pagpapahiwatig para sa pagkakamit ng Las Piñas City sa Seal of Good Local Governance na nasa ilalim ng Social Protection of the Seven Governance areas sa performance assessment tool.

Ang crisis center ng Las Piñas ay 24-hour residential care facility, mayroong 20 bed capacity na magsisilbing kalinga at proteksiyon ng kababaihang edad 18 hanggang 59, na biktima ng gender-based violence katulad ng pag-aabandona, pang-aabuso, pagmamaltrato, at pagsasamantala na pawang nangangailangan ng protektadong mga serbisyo para sa kanilang paghilom at pagbangon.

Sa Las Piñas City, batay sa report ng Violence against Women and their Children (VAWC) umabot sa kabuuang 1,945 na kasong pang-aabuso ang naitala noong 2022 habang 1,887 naman noong 2023 na nagpapakita na ang karahasan ay isa sa mga isyu o problemang kinakailangang tugunan sa lungsod. 

Kabilang sa mga makukuhang programa at serbisyo mula sa center ay ang treatment and rehabilitation program, group life and home care program, health and nutrition program, livelihood skills training program,social services, homelife services,health services,legal services, recreational and other cultural activities, spiritual enrichment,modular session for women,self-enhancement skills development, gender sensitivity sessions at iba pang pangangalagang serbisyo para sa mga bata.

Inihayag naman ni Vice Mayor April Aguilar na umiiral ang City Ordinance No.1276-15 series of 2016, ang ordinansang nagsabatas sa gender and development (GAD) code na nagpapalakas sa implementasyon ng GAD programs at iba pa nitong layunin.

Binigyang-diin ng bise alkalde na ang mga kababaihan na nangangailangan ng tulong o inirefer ng lokal na pamahalaan,non-governmental organizations (NGOs), government organizations, law enforcement at peoples organization gayundin sa mga narescue o nasagip ay sasailalim sa assessment ng mga social worker upang matukoy kung kinakailangan silang pangalagaan ng center o dalhin sa kinauukulang ahensiya. 

Ang pananatili ng biktima sa crisis center ay maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang isang taon depende sa assessment ng social worker ayon sa intervention plan.

Samantala ang operasyon ng center ay maayos na pamamahalaan ng head, supervising at registered social workers, houseparent/caregiver, iba pang program at administrative staff.

#