-- Advertisements --

Nasa pangalawa na sa buong mundo si football star Cristiano Ronaldo sa may pinakamaraming goal na naitala.

Nitong Martes kasi ay nakamit nito ang ika-100 goal para sa Portugal.

Naipasok ng 35-anyos na Juventus attacker ang free-kick mula sa 25 yards na bigo namang maharang ni Robin Olsen ng Sweden.

Edad 18 pa lamang ito noong 2003 sa unang senior international appearance nito.

Unang naitala ang goal nito sa pagkatalo ng Portugal 2-1 sa Greece noong Euro 2004.

Sa 100 goals nito, 17 dito ay mula sa friendly matches at siyam sa hat-tricks na mula sa FIFA at UEFA tournament o qualifying games.

Nangunguna pa rin sa goal scorer si Ali Daei ng Iran na mayroong 109 goals.