COTABATO CITY – Handa umano ang Cotabato Regional and Medical Center sa Cotabato City kung sakaling magpatuloy ang pagtaas ng kaso ng mga pasyenteng naadmit sa hostpital dahil sa Dengue.
Ito ang naging pahayag ni Dr. John Maliga matapos makapagtala nga abot sa 494 ang kabuoang bilang ng naadmit na pasyente na may Dengue simula noong Enero.
Sa datos na ipinalabas nitong Miyerkules, nasa 16 katao ang kasalukuyang admitted pa sa CRMC. Labing-apat dito ay mga bata habang 2 ang nasa hustong gulang na.
Ayon kay Maliga, dinagdagan na nila ang bilang hospital beds para sa mga pasyenteng may Dengue na dati ay para sa mga pasyenteng may COVID-19.
Aniya, mahigpit ang kanilang pagmomonitor sa kalagayan ng bawat pasyenteng may Dengue na naaadmit sa CRMC.
Nanguna ang Cotabato City sa may pinakamaraming naadmit na abot sa 305, sinundan ito ng Maguindanao na may 154, habang ang ibang mga kaso ay mula sa Lanao Del Sur, North Cotabato at Sultan Kudarat.
Samantala, payo ni Maliga sa mga mamamayan na kumunsulta agad sa doktor kung nasa 3 araw na o higit pa ang lagnat upang makaiwas sa mas malalang sintomas ng Dengue.
Simula noong Enero, abot na 7 ang nasawi na pasyente ng CRMC dahil sa Dengue.