Isinama ang relics mula sa orihinal na cross kung saan ipinako si Hesus sa bagong gawa na “Cross of Wales” na nasa unahan ng prosesyon sa koronasyon ni King Charles III sa Wesminster Abbey bukas, Mayo 6.
Ang sagradong relics na ito ay dalawang shards of wood o piraso ng kahoy mula sa tunay na cross na ibinigay ni Pope Francis bilang regalo sa koronasyon ni King Charles III.
Hinulma ang relics sa hugis ng cross at isinama sa likod ng gemstone.
Yari ang Coronation cross sa Welsh materials gaya ng Welsh slate, reclaimed wood at recycled silver mula sa Royal Mint sa Llantrisant na sumasalamin sa commitment ni King Charles III bilang isang environmentalist o makakalikasan.
Kasama rin si King Charles III sa paglikha ng Coronation cross kung saan siya mismo ang nagpako ng hallmark sa silver cross.
Siya ang kauna-unahang Monarch sa kasaysayan na naglagay ng hallmark o Kings Mark sa silver cross.
Isang paalaala din ang bagong cross na sa kabila ng marangyang seremoniya, ang koronasyon ni King Charles III ay isang religious ceremony.
Pagkatapos ng koronasyon, ibabalik ang cross sa Wales kung saan ito ay ibabahagi sa pagitan ng Anglican at Catholic churches.