Muling iginiit ng Civil Service Commission (CSC) na bawal mag-Tiktok ang mga empleyado ng Bureau of Immigration (BI) habang sila ay nakasuot ng uniporme at naka-duty sa trabaho.
Ayon kay CSC Commissioner Atty. Aileen Lizada, maaaring masampahan ng kaso ang mga kawani ng BI na susuway sa umiiral na patakaran.
Paglalahad pa ni Lizada, paglabag daw ito sa Reasonable Office Rules and Regulations.
“Ingat po kayo ‘pag gumagawa kayo ng ganiyan. ‘Wag niyo pong gamitin ang mga uniporme ninyo because that is not part of your job description na mag-Tiktok,” wika ni Lizada sa isang panayam.
Una rito, sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente, maaring makasira sa integridad ng uniporme ng BI ang pag-post ng videos sa Tiktok habang suot-suot ito.
Paglabag din aniya ito sa polisiyang nagbabawal sa paggamit ng mobile phones at iba pang gadgets habang nasa duty, pati na rin sa social media policy ng BI.
Sinabi ni Morente na pananagutin ang mga empleyado nilang susuway sa ban na ito.
Pinaalalahanan din ng opisyal ang kanilang mga empleyado na panatilihin ang proper decorum kahit sa social media at palaging protektahan ang integridad ng ahensya.