-- Advertisements --

Nagbabala ang Civil Service Commission (CSC) sa mga opisyal at empleyado ng gobyerno laban sa pakikilahok sa mga political activity sa social media laban sa isang kandidato o partido.

Ito ay kahit simpleng pag-like o pag-share lang ng isang post na maaari nilang ikapahamak.

Sa inilabas na Memorandum Circular No.03 ng komisyon, ikinokonsidera bilang partisan political activity ang pag-like, pag-komento, pag-share, pag-report o pag-follow sa account ng isang kandidato o partido kung ang mga ito ay kumakalap ng suporta para o laban sa isang kandidato o partido sa panahon ng kampaniya.

Kabilang sa mga pinagbabawalang makilahok sa political activity alinsunod sa 1987 Constitution ay ang mga miyembro ng civil service sa lahat ng branch ng gobyerno ng Pilipinas, kabilang ang government-owned or controlled corporations, state universities o colleges, career officers na humahawak ng posisyon sa gobyerno, uniformed personnel at aktibong miyembro ng Philippine National Police at Armed Forces of the Philippines at barangay officials.

Ayon sa CSC, may katumbas na suspensiyon ng isang buwan at isang araw hanggang 6 na buwan para sa first offense ang pag-commit ng pinagbabawal na gawain at pagsibak sa pwesto para sa second offense.