DAGUPAN CITY – Pinaalahahanan ng Civil Service Commission (CSC) ang mga empleyado ng gobyerno hinggil sa mga hindi nila maaaring gawin kaugnay ng pagpasok ng local campaign period.
Ayon sa Senior Human Resource Officer ng CSC Western Pangasinan Field Office na si Rommel Rivera, malinaw na isinasaad ng batas na ipinagbabawal para sa mga empleyado ng gobyerno, regular man o hindi, ang anumang uri ng pangangampanya, mula sa tahasang pagkumbinsi ng ibang mga tao upang iboto ang isang partikular na kandidato, hanggang sa pagpapahiram ng mga personal na gamit na maaaring matunton na kanilang pagmamay-ari gaya ng sasakyan.
Bawal din ang paggamit sa mga job orders at mga contractual na mga tao sa opisina upang sila ay utusan na magbigay ng mga leaflets o mga flyers ng mga kandidato, maging ang pagkakabit ng mga posters ng mga ito.
Aniya, maaaring mapatawan ng isang buwang suspensyon para sa unang paglabag ang isang empleyado ng gobyerno na mapapatunayang nakisali sa pagkampanya para sa isang kandidato habang maaari namang humantong sa tuluyang pagkawala sa serbisyo ang pag-ulit sa parehong kasalanan.