Iginiit ng Civil Service Commission (CSC) na ang Office of the Ombudsman ang dapat na magpalabas ng mga alituntunin para mabigyang-linaw ang ibig sabihin ng “insignificant” na regalo na maaaring tanggapin ng mga kawani at opisyal ng gobyerno.
Tugon ito ng ahensya sa panawagan ni Justice Sec. Menardo Guevarra na bumuo ng guidelines upang maging klaro ang nasabing kalabuan sa batas.
Paliwanag ni Guevarra, wala raw kasing nakasaad sa batas kung gaano kalaki ang maituturing na “significant” o “insignificant.”
“Mahirap magbigay ng specific guidelines kasi even according to the law, depending yan sa local customs and traditions of the place where the gift-giving happens so it’s really a relative term,” wika ni Guevarra.
“Unless of course the Civil Service Commission (CSC) would give an exact or precise definition. Let’s say no gift exceeding P1,000 in any occasion so pwede gawin yun ng CSC but right now wala nga ganun klase rule kaya flexible so very relative ang concept,” dagdag nito.
Sang-ayon sa implementing rules ng Republic Act 6713, hindi kabilang sa mga ipinagbabawal ang unsolicited na regalo na may nominal o insignificant value at hindi ibinigay kapalit ng pabor mula sa mga government officials.
Pero sinabi ni CSC Commissioner Aileen Lizada, hindi pa rin daw dapat na tumatanggap ng regalo ang kahit na sinong opisyal ng pamahalaan.
Giit pa ni Lizada, hindi na rin daw dapat pang binibigyan ng regalo ang mga government officials dahil sa bayad na ang kanilang serbisyo sa pamamagitan ng pagbabayad ng buwis ng mga pribadong mamamayan.