-- Advertisements --

VIGAN CITY – Nakikipag-ugnayan na ang Civil Service Commission (CSC) sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa agarang pagkakakilanlan ng nagpakalat ng fake news sa social media hinggil sa umano’y automatic passing ng mga aplikante para sa career service examination dahil sa COVID-19 pandemic.

Ang nasabing hakbang ay para mabigyan ng karampatang parusa ang nagpakalat ng nasabing fake news dahil posible itong mahaharap sa kasong “anti cheating law” at “misconduct”.

Nilinaw naman ni CSC Regional Director Jiggs Lardizabal na makakakuha lamang ng proof of eligibility kung naipasa ang exam at sa pamamagitan din umano ng mga special laws na kinabibilangan ng Honor Graduate Eligibility, (PD907), Sangguniang Bayan Member Eligibility (RA 10156), Barangay Official Eligibility (PD1569) at iba pa.

Sa ngayon, wala pa umanong petsa kung kailan ulit maisasagawa ang eksaminasyon pagkatapos itong masuspinde dahil sa banta ng COVID-19 at tinatayang sa October o November ang target date.