DAVAO CITY – Patuloy ngayon ang monitoring ng Davao City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para ma-rescue kaagad ang mga katutubo na dumayo dito sa lungsod ng Davao para mamasko.
Ayon kay Mark Timbang, ang Technical Staff ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) tinututokan nila ang pagdagsa ng mga katutubo na nagmula pa sa ibang bayan at rehiyon.
Pinaalalahaan din ni Timbang ang mga PUJ drivers at ang publiko na hindi dapat magbigay limos sa mga katutubo dahil nalalagay lamang sa alanganin ang buhay ng mga ito at hindi umano ito ang tamang panahon at lugar para tumulong.
Karamihan sa mga katutubong nagpapalimos ay may kinakandong pa na supling habang ang mga bata naman ay nakikipag unahan sa paglambitin sa mga sasakyan na nakahinto sa traffic light para manghingi ng limos. Isang napakadelikadong sitwasyon para sa mga nasabing grupo.
Sa ngayon, nagpapapatuloy ang paglilibot ng mga street educators na siyang nagpapaintindi sa mga IP’s, sa panangib na hatid ng pagpapalimos sa daan.
Sa report ng CSWDO, napag-alamang may limang IP’s na namatay matapos magkasakit sa kasagsagan ng pagdayo dito sa lungsod dahil sa walang matinong matirhan. Habang nagpapatuloy naman ang pakikipag negosasyon ng DSWDXI sa ibang LGU para sa pagpapauwi ng mga IP’s.
Sa ilalim ng PD 1563 Anti-Mendicancy Law of 1978, mahigpit na pinaalalahanan ang publiko na hindi magbigay limos sa mga mendicants. Sa kasalukuyan iminungkahi ng mga mambabatas na i-amend ang PD 1563 Anti-Mendicancy Law of 1978, dahil hindi na angkop sa panahon ang ipinataw na multa para sa mga lalabag sa naturang batas.