BAGUIO CITY – Papalakasin ng IATF ang mga contact tracing teams ng mga LGUs sa bansa sa pamamagitan ng massive trainings para mapigilan ang lalo pang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ipinahayag ito ni Contact Tracing Czar at Baguio Mayor Benjamin Magalong kasunod ng muling pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Aniya, bukas, araw ng Miyerkoles o March 31 ay papangunahan niya ang pagsasanay ng aabot sa 250 na mga pulis na tutulong sa contact tracing.
Sasailalim din aniya ng pagsasanay sa epektibong contact tracing ang higit 600 na mga hired contact tracers ng mga alkalde sa National Capital Region.
Umaasa aniya sila na sa pamamagitan ng massive trainings ay maipapataas ang mababang contact tracing efficiency ratio sa bansa.
Apektado aniya ang contact tracing efficiency dahil nadiskobre nila na nakatutuk lamang ang mga LGUs sa first generation contacts ng mga COVID patients, hindi pulidong pag-encode ng mga impormasyon at kulang na bilang ng mga contact tracers.
Binahagi niya na 30 percent lamang mula sa 50,000 na mga contact tracers sa bansa ang umaasikaso sa mga COVID-19 patients, kung saan, ang isang contact tracers ay may hawak na apat hanggang limang kaso.