-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO- Pursigido ang Local Government Unit o LGU-Midsayap Cotabato na ipagpatuloy ang pagsusulong at pagpapanatili ng mayamang kultura at pamana ng bayan sa kabila ng banta ng coronavirus disease (Covid-19).

Ito ang naging usapin sa naging pulong ng Local Culture and Arts Council kamakailan kung saan kabilang rito ang mga magiging plano, programa at mga aktibidad na isasagawa na may kaugnayan sa Heritage and Culture ng Midsayap para sa taong 2021.

Ayon kay Midsayap Tourism Officer Fersan-Jocel Sawit, sa ngayon ay inihahanda pa lamang umano ng National Commission for Culture and the Arts (NCCA) ang magiging proseso sa pagsasagawa ng cultural mapping alinsunod sa patakaran ng Inter-Agency Task Force on COVID-19.

Ayon kay Sawit, mahalaga ang pagkakaroon ng cultural mapping dahil ito ang magiging basehan at magbibigay daan sa pagkakakilanlan ng bayan at ng mga mamamayan nito.

Target ng Local Culture and Arts Council na maisali sa cultural mapping ang nasa 200 tangible and intangible cultural properties mula sa 57 barangay ng Midsayap na isasagawa ng nasa 23 cultural mappers na kinabibilangan ng mga guro, volunteers at kawani ng lokal na pamahalaan.

Dagdag pa ni Sawit, plano din nilang makapag-produce ng documentary and reading materials tampok ang mga ipinagmamalaking natatanging pamana ng Masayang Midsayap.

Aniya, tanging ang bayan ng Midsayap lamang sa North Cotabato ang nabigyan ng NCCA ng grant para rito.

Samantala, nagpahayag naman si Councilor Justine Clio Ostique, Sangguniang Bayan Chairperson for Committee on Tourism, ng suporta sa mga magiging hakbang at plano ng naturang council para sa taong 2021.