-- Advertisements --

CAUAYAN CITY- Nagpatupad ng curfew hour ang mga otoridad sa Georgia,U.S.A. matapos ang madugong mass shooting sa tatlong asian spa na ikinasawi ng 8 katao.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay G. Jon Meligrito, News Editor sa Washington, D.C. sinabi niya na naghigpit ng seguridad sa mga pinangyarihan ng mass shooting.

Tuloy tuloy ang pagsisiyasat at tinutukoy ng mga otoridad ang suspect na si si Robert Aaron Long, 21-anyos at naninirahan sa Woodstock, Georgia.

Inaalam na ng mga otoridad kung may kasabwat si Long sa nasabing pamamaril.

Ang curfew ay magsisimula ng 9:00pm hanggang 6:00am.

Lahat ng mga makikitang nasa labas habang ipinapatupad ang curfew ay agad na dadakpin ng mga otoridad.

Inaasahang magtatagal ang curfew hanggat hindi nadadakip ang mga kasabwat ng suspect.

Inihayag pa ni G. Meligrito na malaking hamon ngayon sa law enforcers sa Estados Unidos ang paglaganap ng hate crimes.

Dalawa sa pamamaril ay naganap sa magkatapat na spa sa Northeast Atlanta habang ang isa naman ay sa Cherokee County na matatagpuan sa Hilagang Kanluran ng Atlanta.

Nahuli kaagad ng mga pulis ang suspek na si Robert Aaron Long sa pamamaril sa Cherokee County dakong 8:30am, oras sa Pilipinas.

Nakatanggap ng tawag ang mga pulis upang magtungo sa Young’s Asian Massage malapit sa Acworth, Georgia dahil sa naganap na pamamaril.

Dito ay natagpuan ng mga otoridad ang 5 katao na nagtamo ng tama ng bala, dalawa ang namatay, tatlo ang dinala sa ospital subalit dalawa sa mga ito ang dead on arrival.

May layong 50 miles ang nasabing massage parlor mula sa site ng Atlanta shooting na nangyari naman matapos ang isang oras.

Ayon sa Atlanta police, rumesponde sila sa isang robbery call sa Gold Massage spa sa Piedmont Road sa Atlanta at dito ay tumambad sa kanila ang katawan ng tatlong patay na biktima.

Habang iniinspeksyon ng mga pulis ang crime scene ay muli silang nakatanggap ng tawag dahil may nagpaputok ng baril sa Aroma Therapy spa kung saan isa naman ang namatay.

Apat sa mga biktima ay puro Asian na babae.

Nangyari ang pag-atake sa kasagsagan nang pagsipa ng anti Asian-American hate crimes sa buong Estados Unidos.