-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Nais ng lokal na pamahalaan ng Malay na paiklian ang oras ng ipinatutupad na curfew sa naturang bayan lalo na sa Boracay.

Ito’y matapos pinayagan nang magbakasyon sa isla ang mga lokal na turistang nagmula sa Western Visayas at tinanggal na rin ang age restrictions.

Ayon kay Malay Mayor Frolibar Bautista, aprubado na ito ng local inter-agency task force on Coronavirus Disease 2019 at kasalukuyang ginagawa ni Aklan Governor Florencio Miraflores ang draft executive order ukol dito.

Mula sa naunang ipinatupad na alas-9:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng madaling araw na curfew hours, papalitan na ito ng alas-11:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng madaling araw.

Paliwanag ng alkalde, layunin nitong mabigyan ng pagkakataon ang mga bar, restaurants at iba pang kainan na makapag-operate ng mas mahabang oras at makapag-enjoy ang mga bisita.

Gayundin na magkaroon ng mahabang oras ang mga operator at crew ng pampasaherong motorbanca upang makapaghanda lalo pa at alas-6:00 ng umaga ang kanilang first trip.

Samantala, nilinaw ng alkalde na ang pagbawi sa age restrictions ay para lamang sa mga turista at hindi sakop dito ang mga residente batay sa alituntunin ng Department of Tourism.