-- Advertisements --

KALIBO, Aklan – Simula ngayong gabi ng Biyernes, binawasan pa nang tatlong oras ang dating pinaiiral na curfew hours sa isla ng Boracay.

Sa kalatas na ipinalabas ng lokal na pamahalaan ng Malay, mula sa dating alas-10:00 ng gabi hanggang alas-5:00 ng umaga ay ginawa itong mula 12:00 ng hatinggabi hanggang 4:00 ng umaga.

Subalit, ang mga barangay sa mainland Malay ay susunod pa rin sa ipinatutupad na curfew hours ng lokal na pamahalaan ng Aklan na alas-9:00 ng gabi hanggang alas-4:00 ng umaga.

Pinaikli ang curfew sa isla upang lalo pang mabigyan ng mahabang oras ang mga turista na magliwaliw at ma-enjoy ang kani-kanilang bakasyon.

Sa kabilang daku, nagpaalala ang pulisya sa publiko na kahit niluwagan na ang travel restrictions, mahigpit pa rin ang kanilang pagbabantay sa mga lumalabag sa curfew.

Ayon kay Lt. Col. Don Dicksie De Dios, hepe ng Malay Municipal Police Station, mahigit sa 43 na mga turista ang kanilang nahuli na lumabag sa curfew na karamihan ay lasing mula sa mga bar.

Kailangan umano nilang maghigpit habang nananatili pa ang banta ng Covid 19 upang hindi na maulit lockdown sa ilang bahagi ng Boracay.

Pinaghahandaan na rin nila ang pagbuhos ng mga turista sa oras na alisin na ang RT-PCR test sa mga bakunadong turista.