-- Advertisements --

Naniniwala ang Philippine Olympic Committee (POC) na makakapasok sa semifinal round ng curling mixed doubles ang pambato ng Pilipinas sa nagpapatuloy na 2025 Asian Winter Games sa Harbin, China.

Matapos kasi na talunin ng curling team na sina Kathleen Dubberstein at Marc Pfister ang Kazakhstan 11-2 nitong Huebes ay pasok na sila sa semis qualifiers.

Makakaharap ng Pilipinas ang curling team na mula sa Chinese Taipei ngayong araw ng Biyernes.

Nasa pangalawang puwesto ang Pilipinas sa Group B na mayroong apat na panalo at isang talo habang ang China ay nasa unang puwesto na mayroong limang panalo at wala pang talo.

Bilang host country ay pasok na rin ang China sa semifinals at nasa pangatlong puwesto ang South Korea na mayroong tatlong panalo at dalawang talo.

Bago kasi ang panalo ng Pilipinas laban sa Kazakhstan ay tinalo nina Dubberstein at Pfister ang Korea at Krygzstan ganun din ang Qatar pero natalo sila sa China.

Nanguna naman sa Group A ang Japan na otomatikong pasok sa semifinals na mayroong limang panalo at walang talo na sinundan ng Hong Kong na mayroong apat na panalo at isang talo at ang Chinese Taipei na mayroong tatlong panalo at dalawang talo.