Nagsama ng puwersa sina Stephen Curry at Kevin Durant sa unang panalo upang ilunsad ang positibong simula ng kanilang kampanya para sa ikatlong korona ngayong bagong NBA season.
Agad na dinispatsa ng defending champion ang Oklahoma City Thunder, 108-100.
Hindi nagpaawat si Curry sa kanyang 32 points, nine assists at eight rebounds, habang nagdagdag si Durant ng 27 points, eight rebounds at six assists.
Umabot sa limang three-point shots ang naipasok ni Curry sa kanyang tinawag na “emotional night” lalo na at noong nakaraang season ay nakaranas siya ng injury.
Gayunman, kinailangan pa ng Golden State na magdoble kayod sa fourth quarter upang makawala sa pilit na paghahabol ng Thunder.
Inalat naman si Klay Thompson na meron lamang limang naipasok mula sa 20 attempts para sa kabuuang 14 points.
Ang Warriors center na si Damian Jones ay umiskor ng 12 points sa una niyang game sa koponan.
Sa panig ng Thunder minalas pa ito dahil sa kawalan ng kanilang superstar na si Russell Westbrook bunsod ng knee surgery noong nakaraang buwan.
Hirap din na agad na makuha ni Paul George ang kanyang deadly form pero nakapagtala pa rin siya ng 27 points.
Ang next game ng Thunder ay sa Sabado laban sa Clippers, samantalang haharapin naman ng Warriors ang Utah.