Ginulantang ng Los Angeles Lakers ang karibal na Clippers sa kanilang pagtutuos, 122-117.
Ito na ang ikalawang sunod na talo ng Clippers habang nakabitin sila sa ikaanim na puwesto sa Western Conference playoff.
Nawalang parang bula ang 12-points na kalamangan ng Clippers nang idamay sila ng Lakers na laglag na sa next round.
Ito na ang ika-36 na panalo ngayong season ng Lakers at kahit papaano ay nalampasan nila ang record na 35 wins noong nakaraang taon.
Hindi na rin naglaro ang NBA superstar na si LeBron James.
Namayagpag sa kanilang panalo si Alex Caruso na nagtala ng 32 points at si Kentavious Caldwell-Pope naman ay nagpasok ng 25 points.
Isa na lamang ang nalalabing laro ng Lakers laban sa Utah sa Miyerkules.
Ang Clippers (47-33) naman ay bibisita sa defending champion na Warriors sa Lunes.
Sa ibang game, wala pa ring patawad ang Golden State kahit pasok na sa NBA playoffs nang talunin ang Cleveland Cavaliers, 120-114.
Maging si Stephen Curry ay uminit pa ng husto nang kumamada ng 40 points upang ilagay niya ang kanyang sarili sa ikatlong puwesto sa career list ng franchise ng Golden State.
Meron nang kabuuang 16,283 points si Curry na sumusunod sa NBA great na si Wilt Chamberlain (17,783) at Rick Barry (16,447) sa Warriors career scoring list.
Samantala sa panalo ngayon ng team nalalapit na rin para pormal na ibulsa ng Warriors ang korona sa Western Conference.
Tumulong din sa diskarte ng koponan si Draymond Green na may 20 points at eight rebounds at si Kevin Durant naman ay nagdagdag ng 15 points at eight assists (55-24).
Sa kampo ng Cavs nanguna si Collin Sexton sa kanyang 27 points, isang araw matapos na kilalanin siya bilang ikatlong rookie sa Cavaliers history na umabot kaagad sa 1,300 points.
Sa ngayon ang Cleveland (19-61) ay dumanas na ng sunod-sunod na pitong talo.