CAGAYAN DE ORO CITY – Hiningi ngayon ng Mindanao International Container Terminal (MICT) sa Bureau of Customs (BoC)-Manila na mabigyang pahintulot na ilagay sa seizure order ang pitong container vans na puno ng mga basura mula Australia na dumaong sa Tagoloan, Misamis Oriental.
Ito ay matapos nakitaan ng mga paglabag ng customs laws ang kargamento na pagmay-ari ng Holcim Philippines Incorporated (HPI) na nakabase sa bayan ng Lugait sa lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni MICT collector John Simon na hindi tama ang deklarasyon na ginawa ng Customs broker at HPI sa kanilang kargamento na unang nailathala na processed engineered fuel para umano magamit paggawa ng produktong semento.
Inihayag ni Simon na mga basura at malayo sa idineklara ng kompaniya ang kargamento kaya hiningi nila sa kanilang BoC officials na ma-hold ito habang isagawa ang karagdagang imbestigasyon.
Natuklasan din na parehong Customs broker ang nasa likod ng Australian garbage materials at ang nagpuslit ng mahigit isang barko na mga basura na pinalusot ng Verde Soko Philippines mula South Korea sa Misamis Oriental noong buwan ng Hulyo at Oktubre 2018.
Samantala, iginiit naman ni HPI technical manager Alan Cuyno na hindi mga basura subalit processed engineered fuel ang kargamento na hindi mapanganib para sa kalusugan ng publiko at kalikasan.