Itinuturing na “welcome development” umano para sa Bureau of Customs (BOC) ang hakbang ng Department of Justice (DOJ) na kabilang sila sa uunahin na iimbestigahan ng mega task force.
Ayon kay Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, handa umanong makipagtulungan ang mga Customs officials sa anumang gagawing pag-iimbestiga ng DOJ.
Inamin ni Guerrero na meron ngayong nagpapatuloy din na imbestigasyon na ginagawa ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil din sa umano’y isyu ng korapsion sa BOC.
Una nang tinukoy ni DOJ Sec. Menardo Guevarra na kabilang sa uunahin ng kanilang itatatag na mega task force na iimbestigahan liban sa Customs ay ang BIR, DPWH, Bureau of Immigration at Land Registration Authority (LRA).
Ang Customs daw kasi at BIR ay itinuturing na mga “corruption-prone agencies” ng gobyerno.
Una nang sinabi ni Sec. Guevarra na nag-organisa na rin sila ng secretariat na siyang tatanggap sa mga reklamo mula sa publiko, gayundin mga ebidensiya mula sa ginawang mga imbestigasyon ng kongreso at investigative reports ng ilang mga mamamahayag.