CAGAYAN DE ORO CITY – Inamin ni Bureau of Customs Commissioner Rey Guerrero na hawak na nila ang lead upang basehan sa kanilang gagawin na security at legal actions laban sa umano’y nasa likod ng ‘death list’ ng 14 na kasamahan sa trabaho na nahaharap sa alegasyon ng kurapsyon.
Pag-amin ito ng opisyal patungkol sa kung ano na ang naabot ng ahensiya kung pag-uusapan ang pagbibigay proteksyon sa kanilang mga tauhan na nais likidahin ng hindi binanggit na grupo.
Sinabi ni Guerrero na tanging sa pagitan lang nila at ng ilang mga imbestigador mula sa hanay ng National Bureau of Investigation at PNP ang hawak na mga sensitibong impormasyon upang tugisin ang nasa likod pagpaslang ng kanilang kasamahan na si BoC-Manila Container Port Section 1B chief Eudes Nerpio sa Binondo,Maynila noong Enero 7,2022.
Paliwanag ng opisyal na bagamat patuloy naman sa kanilang mga trabaho ang napag-initan nila na mga kasamahan subalit pinakiusapan ang mga ito na mag-doble ingat habang mayroong koordinasyon sa PNP at NBI.
Magugunitang nasa 13 pa na BoC officials ang umano’y nasa listahan na likidahin kaya ganoon na lang ang kanilang pag-iingat upang makaiwas sa anumang panganib ng buhay.