-- Advertisements --
TAGUIG LGU

Ikinababahala ng Council for the Welfare of Children (CWC) ang sinapit ng dalawang estudyante sa Signal Village National High School sa Taguig na unang natagpuang patay at pinaniniwalaang sila mismo ang kumitil sa kanilang buhay.

Ito ay kasabay ng pagpapa-abot ng naturang konseho sa pakikiramay nito sa mga naulilang pamilya ng dalawang bata.

Sa inilabas na statement ng CWC, nakasaad dito ang pakikiisa ng buong konseho sa pamunuan ng Department of Education, LGU Taguig, mga magulang at mga estudyante na magkaroon ng agarang imbestigasyon at matukoy ang tunay na nangyari sa dalawang bata.

Nakahanda rin umano ito na tumulong sa anumang paraan na makakaya nito upang mabantayan ang kapakanan ng mga kabataan.

Samantala, nanawagan din ang CWC sa mga magulang na subaybayan ang kani-kanilang mga anak, hindi lamang sa kanilang aspetong pisikal, kungdi maging sa kanilang mental na kapasidad.

Ayon sa konseho, kailangang magsama-sama ang mga magulang at ang Kagawaran ng Edukasyon upang magabayan ang mga bata at mabigyan ng sapat at akmang mga pag-aruga.