Tinitignan na ng mga lokal na awtoridad ang posibilidad na cyanide poisoning ang ikinamatay ng 6 na kataong natagpuang patay sa loob ng isang luxury hotel room sa Bangkok, Thailand.
Ayon sa Thai police, posibleng nalason ang mga biktima sa kanilang ininom na tea at coffee cups na mayroong cyanide kasunod ng alitan na iniuugnay sa hindi magandang investments.
Ang pagkakadiskubre sa mga labi ng mga biktima ay matapos pasukin ng isang staff sa 5 star Grand Hyatt Erawan sa Bangkok ang isang suite room sa ikalimang palapag ng hotel matapos ma-miss out ng mga guest ang oras ng kanilang check out na mahigit 24 na oras na.
Nang dumating ang Thai police sa lugar, natagpuan nila ang bangkay ng 3 kalalakihan at 3 kababaihan, isang lamesa na puno ng hindi pa nagagalaw na mga pagkain na may balot na plastic at gamit na baso na may bakas ng puting powder. Nadiskurbre naman ang cyanide sa liquid na laman ng isang teapot at sa lahat ng 6 na coffee cups.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Thai police, posibleng isa sa namatay ang naglason din sa kaniyang mga kasamahan. Kabilang sa mga nasawi ay 2 Vietnamese-Americans at 4 na Vietnamese nationals.