Palalakasin pa ng PNP Anti-Cybercrime Group (ACG) ang kanilang pagpapatrulya sa cyber space ngayong nagsimula na ang online classes.
Kabilang sa mino-monitor ng PNP-ACG ay ang posibleng mga kaso ng cyber bullying sa mga online classes ng mga estudyante.
Paalala ng PNP sa mga magulang, magreport agad sa PNP-ACG sakaling makaranas ng cyber bullying ang kanilang mga anak.
Ayon kay PNP Chief Gen. Camilo Cascolan maglalagay sila ng Police Assistance Center sa mga Barangay kaugnay sa pagbubukas ng klase upang mahigpit na maipatupad ang mga city ordinances.
” Yung ating ACG ay surfing at the same time looking for those who will be affecting the use of the internet by our students,” pahayag ni Gen. Cascolan
Dalawang pulis kada Police Assistance Desk ang ipu pwesto ng PNP sa mga Barangay, ito ay upang maipatupad ang police visibility sa lugar at upang mamonitor kung mahigpit pa rin ang pagpapatupad ng minimum health protocols.
Gaya ng pagbabawal sa mga residente sa pag iinuman sa kalye, pagbi videoke sa labas ng kanilang mga tahanan ng sa gayon hindi makaabala sa online classes ng mga estudyante.
Muling pinaalala ng pulisya ang pagbabawal sa mga minors na magtungo sa mga internet cafe.
Pero nilinaw din ni PNP Chief na hindi ipinagbabawal ang pagtungo sa mga internet cafe lalo na ngayon na online classes ang sistema ng edukasyon.
Pero dapat sumunod din sa Health and Safety protocols ang mga Internet cafe at dapat may koordinasyon ito sa mga eskwelahan.
” Well basic, yun din naman ang trabaho nila magmula noon but this time around we want to implement the cyberbullying and everything. These are the things that we really need to enhance that’s why we are trying to improve our ACG,” wika ni Gen. Cascolan.